DSWD, tiwala na maaabot ng gobyerno ang target na single-digit poverty incidence bago matapos ang termino ni PBBM

Tiwala si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na maaabot ng gobyerno ang single-digit poverty incidence bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2028.

Sinabi ni Gatchalian na patuloy ang pagpapaigting na ginagawa ng ahensya sa mga program nito bilang tugon sa direktiba ng pangulo na wakasan ang kagutuman sa bansa.

Ayon pa kay Secretary Gatchalian, malaking tulong ang whole-of-government approach o ang sama-samang pagtulong ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang masugpo o mabawasan ang poverty incidence.


Base sa datos ng Philippine Statistic Authority (PSA) Family Income and Expenditure Survey (FIES), bumagsak sa 15.5% o kabuuang bilang na 17.54 million katao ang maihahanay na mahirap noong 2023 kumpara sa 18.1% o 19.99 million poor individuals noong 2021.

Nilinaw ni Secretary Gatchalian na ang 17.54 million poor individuals o 3.49 million households ay halos kapantay na ng 4.4 million households na kasalukuyang nakakatanggap ng cash grants sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Facebook Comments