Nangako ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tutulungan ang pamilya ng estudyanteng itinaboy ng security guard habang nagtitinda ng sampaguita sa isang mall sa Pasay.
Ito ang pahayag ni DSWD Assistant Secretary at Spokesperson Irene Dumlao bilang reaksyon sa naturang insidente na nag-viral sa social media.
Nakikipag-ugnayan na ang DSWD sa Local Social Worker upang makausap ang mga magulang ng bata at makapagsagawa ng kaukulang intervention.
Aniya, dapat mabigyan ng patas at sapat na pangangalaga ang mga kabataan upang maging productive na mamamayan sa hinaharap.
Binigyang-diin ng DSWD ang kahalagahan ng pagkakaloob ng proteksiyon at karapatan sa mga kabataan.
Ani Dumlao, ang DSWD at Local Government Unit (LGU) ay patuloy na makikipag partner para pangalagaan ang kapakanan ng mga kabataan.