Hindi na muna plano sa ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kumuha ng mga bagong social workers.
Ito ang tugon ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, sa gitna na rin ng pagtatanong ni Senator Risa Hontiveros kung sapat pa ba ang kanilang social workers makaraang ikustodiya nila ang 79 na kabataan mula sa ipinasarang ampunan.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Women, Family Relations and Gender Equality sa isyu ng cease and desist order laban sa Gentle Hands Orphanage, sinabi ni Gatchalian na nais muna nilang isulong ang katatagan ng mga kasalukuyang social workers na contract of service ang status.
Paliwanag ng kalihim sa mga senador, mas prayoridad nila sa ngayon ang makapagbigay ng job security sa halip na kumuha ng mga dagdag pang contract of service workers.
Tiwala naman si Gatchalian, na magagampanan nila ang mandatong iniatang sa kanila ng batas sa kabila ng kasalukuyang bilang ng kanilang mga social workers.