DTI at DA, naniniwala na wala sa suplay kundi dahil sa mapagsamantalang negosyante ang dahilan ng pagsipa ng presyo ng mga bilihin

Manila, Philippines – Inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) na walang kakulangan ng suplay ng mga agricultural products kaya walang dahilan para magtaas ng presyo ang mga manininda.

Ito ay base na rin sa resulta ng ginawang inspection ng dalawang ahensya sa Mega Q Mart.

Napuna nina Agriculture Undersecretary Allan Cayanan at Trade Undersecretary Ruth Castello na wala sa suplay kundi sa mapagsamantalang negosyante ang problema.


Inihalimbawa ni Castello ang mataas na presyo ng manok na P86 at P87 ang farm gate price.

Kapag isinama ang 50 pesos na marked up na epekto ng TRAIN law at ang apat na piso gastos sa pagkatay, lalabas na 140 pesos lamang dapat ang bentahan ng manok sa merkado.

Ang 50 pesos marked up price ay ang kita sa posibleng epekto ng TRAIN law batay na rin sa pag-aaral ng National Economic Administration (NEA).

Pero natuklasan ng DA at DTI na ibinebenta ito sa merkado sa presyong 170 pesos per kilo sa choice cut habang 160 naman sa buo o whole chicken.

Aminado si Castello na may epekto ang TRAIN law pero hindi dapat gamitin sa pagtaas ng presyo ng bilihin.

Nangako ang dalawang ahensya na tutukuyin ang ugat ng nangyayaring artipisyal na galaw ng presyo ng mga bilihin.

Nagbabala ang DA at DTI ipupursige ang pagsasampa ng kaso laban sa mga mapapatunayan na sangkot sa profiteering.

Facebook Comments