DTI, binalaan ang mga negosyanteng magsasamantala ngayong Undas

Dahil sa pinangangambahang pagsasamantala ng ilang mga negosyante ngayong Undas, kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga terminal ng bus at  sa mga sementeryo.

Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) na maari silang managot sakaling mapatunayang nagsasamantala sa presyo ng kanilang mga paninda.

Sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez, na sinomang negosyante na saklaw ng SRP o Suggested Retail Price na mapatutunayang nagsasamantala ay maaring pagmultahin ng mula 5,000 hanggang isang milyon piso.


Sa mga may reklamo sa posibleng pagsasamantala sa presyo ng mga bilihin ngayon Undas, hinimok ng DTI ang publiko na magsumbong sa kanilang mga tanggapan para mapanagot ang mga ito at maparusahan.

Aminado naman ang kalihim na tiyak nang magtataas talaga ang mga ibinebentang bottled water sa mga sementeryo at sa mga terminal ng bus o pier.

Ayon kay Lopez, bagamat may SRP sa bottled water at kandila sa mga supermarket at grocery stores, hindi naman ito nagiging applicable sa mga retail stores o sa mga pwesto sa mga sementeryo na nagbebenta na ng tingi-tingi o kada bote ng tubig.

Bunga nito, pinayuhan ng kalihim ang publiko na bumili na ng bottled water at ng kailangang mga kandila sa mga grocery stores nang mas maaga.

Facebook Comments