Pinadadagdagan ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng mga kongresista ang pondo para sa susunod na taon upang mas maraming micro-small and medium enterprises ang matulungan.
Sa budget deliberation ng DTI sa Kamara, tinukoy ni Marikina Rep. Stella Quimbo na aabot sa 15.273 million workers ang maikukunsiderang mga bagong MSMEs.
Nakitaan ng pag-angat sa bilang ang kategorya sa mga ‘self-employed with no workers’ na nasa 563,000 habang ang mga ‘unpaid family workers’ ay 550,000 naman ang naidagdag.
Giit ni Quimbo, ang mga manggagawang ito ay nangangailangan din ng tulong mula sa pamahalaan ngayong may pandemic.
Dismayado naman si Committee on Trade and Industry Chairman Wes Gatchalian sa budget-cut ng DBM dahil kung matatandaan aniya ay binigyang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte noong SONA ang DTI na tulungang makabangon ang mga MSMEs sa pagkalugi bunsod ng COVID-19.
Sa P20.162 billion budget ng DTI sa 2021, mula sa P2.6 billion na pondo ngayong 2020 para sa mga programa sa MSMEs ay tinapyasan pa ito sa P2.2 billion sa susunod na taon.
Nananatili naman sa P1.5 billion ang pondo para sa micro-financing para sa Small Business Corp. (SB Corp) pero inaasahang kakapusin din ito kung magtatagal pa ang COVID-19 pandemic.