Posibleng maging epektibo na ngayong katapusan ng Marso ang dagdag diskuwento sa mga senior citizen at Persons with Disabilities (PWD) sa pagbili ng mga pangunahing bilihin at prime commodities na batay sa Republic Act No. 9994 O Expanded Senior Citizens Act.
Sa panukala, magkakaroon ng dagdag pang 5% discount ang mga seniors at PWDs o ₱125 kada linggo o ₱500 kada buwan mula sa dating ₱65 kada linggo.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Department of Trade and Industry – Consumer Protection Group Asec. Amanda Nograles, inaayos na nila ang draft para sa admendment ng joint administrative order bago magsagawa ng public consultation.
Sa binubuong draft, ikinokonsidera ng DTI ang paggamit ng QR code imbis na booklet, tax deduction at kung posibleng gawin na kada buwan ang paggamit ng discount sa halip na lingguhan.
Sakaling walang maging problema ay posibleng maipatupad ito sa katapusan ng Marso.
Sakop ng discount ang bigas, mais, tinapay, karne, isda, manok, itlog, mantika, asukal, gulay, prutas, sibuyas, bawang, at fresh o processed milk, processed meat, sardinas, at corned beef
maliban sa mga medical grade milk at diskwento sa pagbili ng pangunahing construction supplies.
Pag-uusapan pa kung isasali sa discount ang non-essential food gaya ng cake at pastries.
Hindi naman kasali ang mga premium brands.