Nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) na umiiral na muli ang suggested retail price (SRP) ng mga pangunahing bilihin.
Napaso na kasi ang nationwide price freeze noong July 9, na sinimulang ipatupad noong May 10 dahil sa epekto ng African Swine Fever (ASF).
Dahil dito, nakabase na muli sa SRP na inilabas ng DTI noong Setyembre 30, 2019 ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng mga de lata, sabon, kape, gatas, instant noodles, tinapay, bottled water, asin at iba pang mga condiments.
Kaugnay nito, umapela si Laban Konsyumer President Atty. Vic Dimagiba sa DTI na tiyaking masusunod ang SRP at hindi magkakaroon ng taas-presyo.
Para kay Dimagiba, “doublespeak” ang pahayag ng DTI dahil tila nagpapahiwatig pa ang ahensya ng nakaambang pagmahal ng presyo ng mga bilihin.
“May mga pahiwatig na ini-encourage nilang re-review-hin nila yung mga nakabinbing mga increases e, ng SRP. Kailangan isa lang ang statement. Kahit tapos na yung price freeze, walang pagtaas ng SRP ng basic necessities at prime commodities, period!” saad ni Dimagiba sa interview ng RMN Manila.