Nauunawaan ng Department of Trade & Industry (DTI) ang sentimyento ng mga Pilipino ngayong panahon ng COVID-19 pandemic kung saan marami ang naghihirap dahil marami rin ang nawalan ng hanapbuhay.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na noong taong 2019 pa huling nagkaroon ng paggalaw sa presyo ng basic goods at prime commodities.
Aniya, makailang beses nang umapela ang mga food manufacturers sa ahensya ng price increase ngunit ilang beses narin nila itong tinanggihan.
Sa pagkakataong ito, nais na tulungan ng DTI ang mga manufacturer na apektado rin ng pandemya kung kaya’t pinayagan na nila ang taas-presyo sa mga pangunahing bilihin.
Ilan sa nagkaroon ng taas-presyo ay ang sardinas, gatas, canned goods, noodles at iba pa.
Giit ni Castelo, ayaw rin naman nilang malugi ang mga food manufacturers o magbawas ng mga empleyado dahil magreresulta ito sa mas maraming mawawalan ng trabaho.