Iginiit ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi maaaring i-waive ng Philippine International Trading Corporation (PITC) ang kanilang service fee sa pagbili ng gobyerno ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez na siya ring chairman ng PITC, maaari lamang nilang ibaba ang service fee sa 1% kada gagawing transaksyon.
Nabatid kasi na ang PITC ang siyang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na manguna sa pagbili ng COVID-19 vaccines sa ibang bansa kung saan ang inisyal na plano ay papahiramin ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines ng P20-billion ang PITC na siyang magbebenta ng bakuna sa Department of Health para ipamahagi sa mga mahihirap.
Ayon kay Sen. Sonny Angara, na siyang sponsor ng proposed P22.012 billion budget ng DTI sa 2021, sinabi ni Secretary Lopez sa kaniya na kinakailangan pa rin makabawi sa mga gastusin ang PITC kaya’t ibinaba na lamang nila ang service fee sa 1% lalo na’t wala rin silang hawak na budget para sa kanilang operasyon.
Matatandaan na una nang hinimok ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang PITC na i-waive lamang ang kanilang service fee kung saan nagdududa rin siya sa kakayahan nito na i-deliver agad ang mga bakuna sakaling makabili na lalo na’t mayroon itong hindi magandang record sa pamamahagi o paged-deliver ng kagamitan na nabili ng gobyerno.
Pero inihayag naman ni Angara na ang pagbili o pagkuha ng mga bakuna kontra COVID-19 ay babagsak talaga sa mandato ng PITC kaya’t dapat lamang na gawin nila ang kanilang trabaho.