DTI, inaprubahan ang pagtaas ng presyo ng 82 pangunahing bilihin

Inaprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtataas ng suggested retail price (SRP) ng 82 pangunahing bilihin.

Ayon sa DTI, inaprubahan nila ang pagbabago sa SRP dahil sa mataas na presyo ng raw materials at produktong petrolyo.

Kabilang sa mga produktong magtaas ang presyo ang water bottles at containers, canned fish, processed and canned pork, processed and canned beef, processed milk, suka, toyo at patis.


Magtataas din ng presyo ang instant noodles, kape, asin, mga sabon paglalaba, kandila, harina, sabon panligo at mga baterya.

Sinabi naman ni DTI Undersecretary Ruth Castelo, sa 218 stock keeping units (SKUs) sa retail price guide list, 62 percent o 136 produkto ang walang paggalaw at nananatili ang presyo.

Tinitiyak din ng DTI sa publiko na maingat na sinusuri ang mga kahilingan ng mga manufacturer.

Sa kabila ng pagbabago sa presyo ng ilang basic at prime goods, tinitiyak ng DTI sa publiko na ang pagtaas sa SRP ay pinananatili sa pinakamababang antas para mabigyan ang mga mamimili ng makatwirang presyo ng mga bilihin sa gitna ng pandemya.

Facebook Comments