Ipinaliwanag ng Department of Trade and Industry (DTI) ang karagdagang health protocols na kailangang sundin ng mga establisyimentong papayagang magbukas sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) simula ngayong araw, August 1, 2020.
Matatandaang inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pagbubukas ng aesthetic services, gyms at fitness centers, review centers, internet cafes, cosmetic dentistry clinics sa 30% capacity sa ilalim ng GCQ.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, kinakailangang may karagdagang protective gears na kailangang suotin ang mga worker at maging ang kanilang customer.
Sa gyms at fitness centers, ang mga pupunta rito ay kailangang magsuot ng gloves at face masks, mahigpit din dapat sundin ang physical distancing.
Mahalagang maayos ang sirkulasyon ng hangin sa mga establisyimento.
Sa mga review center, dapat mayroong physical distancing at pagsusuot ng face masks.
Limitado rin dapat ang mga taong pwedeng papasukin.
Sa personal grooming centers, ang manggagawa ay kailangang nakasuot ng gloves at mayroong coveralls.
Nabatid na ang overall compliance o pagsunod ng establishments ay umaabot sa 92% hanggang 100%.
Kaugnay nito, pinalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang GCQ sa Metro Manila hanggang August 15 kasama ang Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Talisay City, Minglanilla, Consolacion sa Cebu at Zamboanga City.
Ang natitirang bahagi ng bansa ay nasa ilalim ng Modified GCQ.