DTI, ipinag-utos ang pagbuo ng Special Task Force para matiyak na naipapatupad ang price cap sa bigas

Ipinag-utos ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagbuo ng Special Task Force para masiguro na naipapatupad ang ibinabang Executive Order No. 39 ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., na nagmamandato ng limitasyon sa presyo o price cap sa bigas.

Ayon kay Trade Secretary Alfredo Pascual na kasalukuyang nasa Jakarta, Indonesia ngayon para sa ASEAN meeting, hinimok nito ang kaniyang mga kasamahan sa DTI na nakatalaga sa rice task force na magtulungan at gampanan ng kanilang tungkulin ng maayos.

Nagkasundo rin ang member agencies ng task force na magsagawa ng profiling at validation ng rice retailers na makakatanggap ng assistance mula sa pamahalaan sa pakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture, Local Government Units (LGUs) at Local Price Coordinating Councils.


Papakilusin din ng DTI ang mga asosasyon para magsumite ng listahan ng mga retailer upang matukoy ang posibleng mga benepisyaryo ng nasabing assistance.

Una nang ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang pamamahagi ng tulong para sa mga retailer at wholesalers kabilang ang maliliit na supermarkets na maapektuhan ng price cap.

Samantala, nakikipagtulungan din sila sa ibang mga ahensya ng gobyerno para tumulong sa profiling at validation ng mga retailer na magiging basehan para sa pamamahagi ng pinansiyal na tulong sa pamamagitan ng DSWD na posibleng simulan sa susunod na linggo.

Facebook Comments