Isinusulong ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagpapatupad ng special Suggested Retail Prices (SRP) para makontrol ang presyo ng ilang bilihin sa panahon ng high-demand seasons tulad ng Pasko, Balik-Eskwela, at Araw ng mga Puso.
Sa pagdinig ng House Committee on Trade and Industry, sinabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na ipinapanukala nila sa Kongreso na amyendahan ang Republic Act 7581 o ang Price Act of 1992.
Nais nilang i-ayon ang batas sa kasalukuyang panahon kung saan mataas ang demand ng mga produkto lalo na sa panahon ng sakuna, kalamidad, seasonal events, at holidays.
“Our proposed amendments come from the view of consumer protection. This is all for the consumers. If there are some business considerations Mr. Chair, we leave it to the wisdom of the honorable chair,” sabi ni Castelo.
Para kay Atty. Paul Santos ng Philippine Retailers Association (PRA), tila hindi ito patas para sa mga retailers lalo na at kailangan din nilang mabawi ang kanilang mga pinuhunan sa mga produktong kanilang ibinebenta.
Mula sa orihinal na konsepto na ang SRP ay gabay lamang, pero lumalabas na ito ay dinidiktahan na ang presyuhan.
“If congress would like to define what SRP is, I think that would be a better idea. What’s ambiguous to most is what SRP is supposed to be, is it the price which retailers must obey regardless of how they acquired the goods? Because of the social pressure of SRP, (retailers) are forced to price their goods at that level or face (investigation) by DTI,” giit ni Santos.
Tugon naman ng DTI, ang mga product manufacturers mismo ang nagtatakda ng SRP para sa mga retailer at hindi ang kagawaran.