DTI, ire-review ang mga paglabag ng 9 na construction firm na pagmamay-ari ng pamilya Discaya matapos na bawiin ng PCAB ang lisensya nito

Iginiit ng Department of Trade and Industry (DTI) na gagawa sila ng masusing imbestigasyon kaugnay sa siyam na construction firm na pag-aari ng pamilya Discaya.

Sa inilabas na statement ng Trade Department, matapos ang isasagawang pagre-review ay ilalabas nila ang listahan ng mga kumpanyang tuluyan nang babawian ng lisensya.

Ayon sa ahensya, hinihintay na lamang nila na isumite ng dating Executive Director ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang kinakailangang mga dokumento.

Ang ginawang aksyon ng DTI ay kasunod ng pagbawi ng PCAB sa lisensya ng siyam na construction firms na pagmamay-ari ng negosyanteng si Sarah Discaya, matapos nitong umamin sa Senate Blue Ribbon Committee na ang kanyang mga kumpanya ay nagsabwatang mag-bid laban sa isa’t isa para sa isang proyekto ng pamahalaan.

Kabilang sa mga kumpanyang tinanggalan ng lisensya ang:

– St. Gerrard Construction Gen. Contractor & Dev’t Corp.,
– Alpha & Omega Gen. Contractor & Dev’t Corp.,
– St. Timothy Construction Corp.,
– Amethyst Horizon Builders and Gen. Contractor & Dev’t Corp.,
– St. Matthew General Contractor & Development Corp.,
– Great Pacific Builders And General Contractor Inc.,
– YPR General Contractor And Construction Supply Inc.,
– Way Maker OPC,
– Elite General Contractor And Development Corp.

Una nang sinabi ng PCAB na malinaw na lumabag ang mga kumpanya sa procurement laws at licensing rules dahil sa sabwatan at manipulasyon ng bidding process.

Iuurong na ang mga ito mula sa listahan ng mga lisensyadong kontratista at ipapasa rin ang kaso sa National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Justice (DOJ) para tukuyin ang posibleng pananagutan.

Facebook Comments