*Cauayan City, Isabela- *Muling nagpaalala ang Department of Trade and Industry o DTI Isabela sa lahat ng mga establisyemento na tiyaking ligtas at dumaan sa inspekyon ang mga panindang produkto.
Kasunod ito ng kanilang pagsira sa mga nakumpiskang non-certified products na nakuha mula sa iba’t-ibang bahay kalakal sa Lalawigan at mga boluntaryong isinuko sa kanilang tanggapan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Chary Anne Gauani, ang Planning Assistant at Information Officer ng DTI Isabela, tinatayang aabot sa P85,000.00 ang halaga ng mga sinirang produkto na nakitaang walang product standards mark o ICC Sticker.
Nito lamang Oktubre 8, 2019 ay sinira at ibinaon na sa lupa sa Sanitary Landfill ng Lungsod na matatagpuan sa Sta. Catalina ang mga nakumpiskang produkto gaya ng Christmas lights, light bulbs, extension wires, electrical appliances at mga lighter.
Kaugnay nito, patuloy pa rin ang kanilang inspeksyon sa mga establisyimento upang masiguro na ligtas ang lahat ng mga ibinebentang produkto at hindi na umabot na makumpiska rin ang mga ito.