Cauayan City, Isabela- Pinapaalalahanan ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela ang publiko sa kung ano ang mga dapat tandaan sa pagbili ng mga pamasko at palamuti ngayong Pasko upang makaiwas sa anumang sakuna.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mel Mari Laciste, ang Consumer Protection Division (CPD) Technical Assistant ng DTI-Isabela, para aniya sa mga bibili pa lamang ng palamuti o christmas lights ay bumili lamang sa mga tindahang registered sa DTI o di kaya’y sa mga BAGWIS Awardees.
Tingnan din aniya kung may nakalagay na Philippine Standard Mark o ICC Sticker upang masiguro na dumaan sa testing ang mga itinitindang Christmas lights.
Ang mga sticker aniya katulad ng “QC o quality check” ay hindi inisyu ng DTI at tanging ang PS mark at ICC lamang ang kinikilalang palatandaan ng DTI na dumaan at pumasa ang produkto sa testing na ginagawa ng BPS.
Sakaling mayroon makita na nagtitinda ng mga Christmas decorations na walang ICC o PS Mark ay maaaring ireport sa pinakamalapit na Negosyo Center o DTI Office.
Maaari din ani Laciste na ibalik sa pinagbilhang tindahan o idulog sa tanggapan ng DTI kung nakabili ng depektibong produkto.
Bukod dito, nagpaalala din si Laciste sa mga bibili ng pang noche Buena na suriing mabuti ang mga produkto o pagkaing bibilhin lalo na ang expiration date nito.
Kaugnay nito, nagsasagawa ngayon ng regular monitoring ang mga kawani ng nasabing ahensya upang matiyak na nasusunod ang product standards sa mga ibinebentang produkto sa merkado.