DTI, isinusulong ang mas mahabang oras sa mga grocery at supermarkets; unti-unting pagtanggal sa ECQ, inirekomenda rin sa IATF

Inirekomenda ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Inter-Agency Task Force on Emerging and Infectious Diseases (IATF-EID) na pahabain pa ang operating hours ng mga mga grocery store at supermarkets.

Ayon kay Trade Sec. Ramon Lopez, ang pagpapalawig sa store hours ang nakikita nilang paraan para maibsan ang mahabang pila sa mga pamilihan ngayong umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Aniya, kahit hindi tulad ng dati ang operating hours ng mga grocery at supermarkets ang importante ay mas mahabang oras makapamili ang ating mga kababayan.


Maliban dito, imumungkahi din ni Lopez sa IATF ang gradual o paunti-unting pag-alis sa ECQ sa luzon.

Aniya, batay sa kanilang gagawing rekomendasyon, tanging ang mga negosyong may kaugnayan sa produksyon at manufacturing ng mga pagkain at iba pang essential goods ang papayagang makapag-operate muli.

Habang ang mass gathering activities ay patuloy pa ring ipagbabawal sa oras na tanggalin na ang ECQ.

Samantala, tiniyak ni IATF Spokesperson at Cabinet Sec. Karlo Alexei Nograles na inihahanda na rin ng DTI ang ₱1 billion pondong ayuda para sa micro, small and medium-scale enterprises na muling magbubukas oras na maalis na ang lockdown.

Aniya, sa ilalim ng pondo sa pagbabago at pag-asenso o P3 program ng DTI, maaaring makautang ang mga maliliit na negosyo ng ₱5,000 hanggang ₱200,000 na may 1.5 percent interest rate kada taon ng walang ibang service fee.

Facebook Comments