Sumulat na ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH) matapos kalampagin ng Senado dahil sa maalat na instant noodles.
Sa Laging Handa Public briefing, sinabi ni DTI Usec. Ruth Castelo na nasa kapangyarihan ng FDA ang mag-utos ng recall sakaling mapatunayan na sobra-sobra sa nararapat na content ang sodium sa instant noodles.
Ngunit kung mag-isyu aniya ng recall order ang FDA, magiging katulong ang DTI sa pagpapatupad nito.
Kapag ito aniya ay nangyari, sinabi ni Castelo na tatanggalin sa price bulletin ng basic commodity ang instant noodles at titiyaking hindi na maibebenta sa retail.
Una nang sinabi ni Trade Sec. Fred Pascual na hindi sakop ng ahensya ang pag-certify ng komposisyon ng mga produktong pagkain dahil wala silang health experts para gumawa nito.