Maglulunsad ang Department of Trade and Industry (DTI) ng online complaints resolution system ngayong buwan na layong pabilisin ang pagtugon sa reklamo ng mga consumer.
Ayon sa DTI, ipatutupad ang Philippine Online Dispute Resolution System (PODRS) sa 3rd ASEAN Consumer Protection Conference na gaganapin sa June 28.
Paliwanag ng DTI magiging automated at pag-iisahin ang nangangasiwa sa consumer complaints sa pamamagitan ng pag-uugnay sa lahat ng ahensya na may tungkulin ukol sa consumer protection.
Dagdag pa ng DTI na sa tulong ng online system ay maaaring maghain ng reklamo ang mga mamimili na may kinalaman sa isang produkto o serbisyo mula sa offline o online business.
Naisakatuparan ito sa pakikipagtulungan ng DTI sa United States Agency for International Development (USAID) at University of the Philippines Public Administration Research and Extension Services Foundation Inc.
Mababatid na tumaas ang consumer complaints noong 2020 sa gitna ng paghataw ng online shopping ngunit iginiit ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na bumaba ito ng 25 percent nitong nakaraang taon.