Hindi na kakayanin pa ng gobyerno ang panibagong malawakang lockdown.
Ito ay sa kabila ng banta ng Delta variant na una nang kinumpirma ng Department of Health (DOH) na mayroon ng local transmission.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na kapag nag-Enhanced Community Quarantine (ECQ), marami ang mawawalan ng trabaho dahilan upang marami muli ang magugutom.
Kasunod nito, ang pagpapatupad ng granular lockdown ang isa sa solusyon upang maagapan ang pagkalat ng virus.
Payo pa ni Lopez sa publiko na mahigpit na sundin ang health and safety protocols at ang tuloy-tuloy na pagbabakuna.
Sa business establishments naman aniya ay dapat matiyak na nasusunod ang protocols tulad ng tamang venue capacity, may maayos na ventilation nang sa ganon magtuloy-tuloy ang ekonomiya upang maisulong ang total health o mabalanse ang kalusugan at ekonomiya.