DTI, muling nakiusap sa retailers na sumunod sa Noche Buena price guide

Muling nanawagan ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga retailer na sumunod sa price guide sa Noche Buena items isang linggo bago ang Kapaskuhan.

Ito ay kasunod ng natatanggap na mga ulat ang ahensya ng mga presyong mas mataas kaysa sa itinakda ng mga manufacturer.

Matatandaang ipinangako ng DTI na mananatiling abot-kaya ang mga Noche Buena items at maayos na kalidad ngayong Kapaskuhan.


Una nang nakipagpulong si DTI Secretary Alfredo Pascual sa mga manufacturer matapos ang mga ulat na ang presyo ng queso de bola, fruit cocktail, ham, at iba pang noche buena products ay naibenta nang higit sa mga presyo sa Noche Buena Price Guide na inilabas ng departamento noong Nobyembre 22.

Ipinaliwanag ni Pascual na ang mga presyo ng mga bilihin na nakasaad sa Noche Buena Price Guide ay mga mungkahing retail prices ng mga manufacturer para sa kanilang mga produkto.

Samantala, tiniyak naman ng manufacturer na kanilang ibe-verify ang mga ulat ng mas mataas kaysa sa itinakdang presyo ng tingi para sa mga produktong Noche Buena.

Facebook Comments