
Mas mura at makakatipid ang pagbili ng school supplies sa may Divisoria, Maynila.
Ito ang naging reaksyon ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ma. Cristina Roque matapos ang isinagawang pag-iikot at pagmamanman sa presyo ng mga school supplies sa ilang tindahan sa Divisoria ngayong araw.
Inirerekomenda rin ng kalihim sa publiko, lalo na sa mga magulang, na mamili ng gamit para sa kanilang mga anak sa Divisoria dahil mas mura ito kumpara sa mga mall.
Aniya, walang problema at pasok sa kanilang price guide list ang mga school supplies na mabibili sa ilang pwesto sa Divisoria.
Bawat stall ay nilapitan ni Sec. Roque at sinuri ang mga gamit pang-eskwela tulad ng notebook, ballpen, lapis, at iba pang pangunahing gamit ng mga mag-aaral.
Giit pa ng kalihim, mas makakatipid kung maramihan ang pagbili, tulad ng notebook na ₱140 lamang ang presyo para sa 10 piraso.
Una nang naglabas ang DTI ng gabay sa pamimili ng school supplies, lalo na’t papalapit na ang pasukan.
Hinihikayat din nila ang mga mamimili na i-report sa kanilang tanggapan ang anumang tindahang nagbebenta ng labis sa itinakdang presyo.









