Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko laban sa mga scammer na nagsasabing konektado sila sa Small Business Corporation (SBCorp) at nag-aalok ng kanilang serbisyo kapalit ng malaking halaga.
Ang Small Business Corporation ay ang financing arm ng Department of Trade and Industry.
Ayon sa DTI, target ng mga scammer ang Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) na nagpaplano na mangutang gamit ang Bayanihan CARES Program o iba pang lending facilities.
Ayon pa DTI, ang SBCorp ay hindi naniningil ng anumang bayarin para sa pagproseso o pagpapadali ng loan application sa ilalim ng Bayanihan CARES Program.
Kasabay nito, binalaan din ang mga loan applicant na ang pagsusumite ng pekeng mga dokumento bilang suporta sa kanilang aplikasyon sa pautang sa ilalim ng Bayanihan CARES Program ay magreresulta sa awtomatikong pag-disqualify ng nakabinbing aplikasyon at pag-blacklist sa alinman sa lending facilities.
Bukod sa mahaharap pa sila sa kasong Estafa at iba pang mga naaangkop na batas.
Payo ng DTI, kung duda sa mga aktibidad at serbisyo na inaalok sa iyo o kung mayroon kang personal na kaalaman at nais mong iulat ang alinman sa mga mapanlinlang na gawain na ito, mangyaring makipag-ugnay sa CARES Hotline sa 8651-3333 o mag-email sa sbcorporation@sbgfc.org.ph.