DTI, nagpaalala sa mga mall at commercial centers na ipatupad ang health protocols para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19

Iginiit ng Department of Trade and Industry (DTI) na kailangang sundin ng mga mall at iba pang commercial centers ang health protocols para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, dapat pa ring limitahan ang bilang ng mga taong pumapasok sa mga establisyimento at mayroon ng physical distancing.

Bukod dito, dapat ding nagsasagawa ang mga mall ng temperature checks sa mga tao at mahigpit na pagpapatupad ng pagsusuot ng face mask.


Mayroon din dapat sanitation stations at kumpleto sa hygienic products ang mga comfort rooms.

Limitahan din dapat ang bilang ng mga taong pwedeng sumakay sa escalators at elevators.

May mga ‘roving officers’ din dapat ang umiikot para matiyak na nasusunod ang health standards sa loob ng mga shopping center.

Ang iba pang patakarang itinakda ng pamahalaan ay ang paglalagay sa 26 degrees Celcius ng air conditioning sa loob ng mga mall, hindi paggamit ng public free Wi-Fi at suspensyon ng mga sales at marketing events.

Ang mga restaurant ay limitado rin para lamang sa take-out at delivery.

Facebook Comments