Umaabot na sa 16 na show cause order ang inilabas ng Department of Trade and Industry o DTI laban sa mga establisyementong nagbebenta ng mga bawal na vape product.
Sa Laging Handa public briefing ay sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na ang mga inisyuhan ng show cause order ay dapat humarap sa ipatatawag na pagdinig ng DTI.
Ayon kay Castelo, kung hindi sila sisipot ay sasampahan na sila ng pormal na reklamo hanggang sa ipalagay na silang convicted o guilty sa paglabag sa batas at mapatawan ng kaukulang parusa.
Binigyang-diin ni Usec. Castello na hindi titigil ang DTI sa pag-iikot at pag-inspeksyon sa mga retail store laban sa mga bawal na vape products na may cartoon characters o larawan ng mga celebrity, at may mga flavor.
Kaya naman payo ni Castello sa mga retail establishment, itago na o huwag nang i-display ang mga vape product na labag sa isinasaad ng batas na tiyak kukumpiskahin o magiging dahilan para sila ay maipasara.