Sa pamumuno ni Provincial Director Ma. Sofia G. Narag ng DTI Isabela kasama ang Consumer Protection Division sa pangunguna naman ni Division Chief Elmer A. Agorto ay nagkasa sila ng Operation Bantay Presyo na naglalayong bantayan ang presyo at suplay ng asukal at mga pangunahing bilihin ngayong kasagsagan ng bagyong Florita sa Isabela.
Ayon kay Mel Mari Laciste Information Officer ng DTI Isabela, base sa isinagawang monitoring, ang mga pangunahing supermarkets gayundin ang mga nasa loob ng pampublikong pamilihan ay sumusunod naman sa Suggested Retail Prices (SRP) at ay may sapat ding suplay ng mga Basic Necessities and Prime Commodities (BNPCs).
Pinaalalahanan niya ang mga publiko na wag magpanic buying at bumili lang ng sapat para sa iba pang mga mamimili.
Dagdag pa niya tuwing may kalamidad ay awtomatiko ang pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin.
Kaugnay nito hinikayat niya ang publiko na mag sumbong sa kanilang mga tanggapan kung may lumalabag sa itinalagang SRP ng mga bilihin.
Sinabi niya na maaaring magtungo sa pinakamalapit na Negosyo Center sa kanilang mga lugar o mag-iwan ng mensahe sa kaning Facebook page na DTI Isabela kung may reklamo upang agarang matugunan.