Nagsagawa ng suprise inspection ang Department of Trade and Industry o DTI sa Pritil Market sa Tondo, Maynila para imonitor ang presyo ng baboy at manok dahil napag-alaman nila na sobra-sobra ang taas presyo ng mga ito.
Ayon kay Usec. Ruth Castelo ng consumer protection group ng DTI, hindi makatwiran ang patong ng mga may-ari ng pwesto sa palengke kahit pa dumaan ito sa tinatawag nilang middleman o ang mga nagde-deliver ng produkto sa kanila.
Sinabi ni Castelo na nasa ₱95.00 lang ang kada kilo sa farmgate ng mga manok at kung dadaan man ito sa middleman ay hindi nararapat na ibenta ito ng ₱180.00 kada kilo.
Maging ang kada kilo ng baboy ay hindi rin daw dapat tumaas ng higit ₱200.00 dahil sapat naman ang suplay sa Maynila lalo na’t hindi naman apektado ang lungsod ng African Swine Fever o ASF.
Dahil dito, nakatakdang magsumite ng report ang DTI sa Department of Agriculture na siyang may kapangyarihan para bigyan ng parusa ang mga nagbebenta ng agricultural products.
Bukod dito, kinumpiska ng National Meat Inspection Service o NMIS ang nasa 26 kilo ng manok dahil napag-alaman na wala itong sapat na permit.
Wala naman nakitang problema ang DTI sa presyo ng bigas at itlog.