Kinumpirma ni Trade and Industry Usec. Ruth Castelo sa joint hearing sa Kamara na nakikiusap na sila sa mga supermarkets na ibaba ang presyo ng karneng baboy at iba pang bilihin.
Ayon kay Castelo, nananawagan na sila sa mga may-ari ng mga supermarkets na magbaba ng presyo kumpara sa Suggested Retail Price o SRP o price ceiling na ipinatutupad.
Tiniyak naman ni Castelo na gumagawa na rin ang Department of Trade and Industry (DTI) ng mga hakbang at posibilidad ng pagkakaroon ng regulasyon para sa mga imported na karne.
Sa pagdinig ay tiniyak naman ni Agriculture Secretary William Dar na may sapat na suplay ng manok sa bansa.
Ayon kay Dar, hanggang matapos ang kasalukuyang taon ay mayroong sapat na suplay ng manok.
Pagdating naman sa gulay, sinabi ni Dar na dumarami na ang ani ng mga magsasaka matapos na makabangon ang mga ito sa nakalipas na mga kalamidad na tumama sa bansa noong Nobyembre 2020.
Samantala, patuloy naman ang pagkikipag-ugnayan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Agriculture (DA) at DTI hinggil sa sinasabing sabwatan kaya nagkakaroon ng kakapusan sa suplay ng baboy at pagtaas ng presyo ng mga ito.