DTI officials, nasermunan ng mga senador dahil sa kabiguang makakumpiska ng mga flavored vapes

Nakatikim ng sermon ang mga opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga senador dahil sa kabiguang kumpiskahin ang mga flavored vape na mahigpit na ipinagbabawal sa batas.

Sa pagdinig ng Senate committee on Sustainable Goals and Development, tinanong ni Senator Pia Cayetano, Chairman ng komite, ang DTI kung mayroon na ba silang nakumpiskang mga flavored vape products.

Inamin ni DTI Asec. Ann Claire Cabochan na base sa kanilang mga enforcement operations ay wala pa silang nakumpiska na nabanggit na produkto.


Dismayado si Cayetano dahil nagawa naman ng DTI na mag-isyu ng 16 na show-cause orders laban sa mga violators at 44 na show-cause orders sa mga online sellers.

Sa pagdinig din ay ipinakita naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang mga larawan ng mga candy at fruit-flavored vape juices na available ngayon sa mga online shopping platforms.

Bagama’t natukoy sa pagdinig na may kapangyarihan ang DTI na kumpiskahin ang mga iligal na vape sa ilalim ng umiiral na rules ng ahensya, bigo naman ang kagawaran na ipatupad ito.

Pinagsabihan din ni Villanueva ang DTI na gawin ng ahensya ang trabaho nito dahil sila aniya sa Senado kada pagdinig ay inaaral nila ang mga isyu para makaisip ng solusyon kung papaano makakatulong.

Facebook Comments