Sang-ayon ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mungkahi ng Senate Blue Ribbon Committee na maaaring gawin ang mga plaka ng motorsiklo sa Muntinlupa National Penitentiary.
Ito ay para maabot ang production target na nasa 18 million plates pagsapit ng June 2022.
Sa pagdinig ng Senado na pinamumunuan ni Committee Chairperson Senator Richard Gordon, sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez na posibleng gawin ang mga plaka sa tulong ng mga inmates.
Bukod dito, iminungkahi ni Lopez na ang mga bibili ng motorsiklo na dapat mabigyan ng opsyon na pumili ng mode of payment – cash o installment.
Ang mga certifications of registration ay dapat available sa buyer sa loob ng pitong araw at ang plaka ay dapat ilabas sa loob ng 15 araw.
Pero sinabi ni Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Edgar Galvante na kailangan muna nilang kausapin ang nanalong plate manufacturing contractor kung papayag ang mga ito.
Dagdag pa ni Galvante, mataas ang demand ng motorcycle plates sa Mindanao.
Sa ngayon, aabot sa 1.4 million na bagong plaka ang nagawa na, kabilang dito ang 875,000 plates na ipinadala na sa LTO Regional Offices, 298,000 plates ang naipadala sa motorcycle dealers habang nasa 400,000 na bagong plaka ang ibinabiyahe na.
Katwiran naman ni Sen. Gordon, mayroong manpower ang national penitentiary pero kailangang bigyan ng kompensasyon ang inmates.
Bukod dito, dismayado rin si Gordon sa kabiguan ng LTO na ipatupad ang Motorcycle Crime Prevention Law na minamandato ang paggawa ng malalaki at color-coded na motorcycle plates.
Kakausapin niya ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na atasan ang mga Local Government Unit (LGU) na i-impound ang mga motorsiklong walang plaka.