Naglabas ng mahigpit na babala ang Department of Trade and Industry (DTI) Pangasinan Provincial Office laban sa lumalaganap na modus kung saan ang ilang hindi awtorisadong indibidwal ay nagbabahay-bahay at nagpapakilalang magsasagawa ng inspeksyon ng LPG.
Ayon sa DTI, may mga pagkakataon na ang mga ito ay nagpapanggap na kawani ng DTI, Department of Energy (DOE), o Bureau of Fire Protection (BFP) at gumagamit ng pekeng identification card upang makuha ang tiwala ng publiko.
Kasabay nito, nag-aalok sila ng umano’y “anti-leak” o “safety devices” na hindi rehistrado at walang pahintulot.
Mariing iginiit ng ahensya na walang sangay ng pamahalaan ang nagbibigay ng pahintulot sa ganitong uri ng inspeksyon o direktang pagbebenta ng LPG accessories sa mga tahanan.
Pinayuhan ang publiko na huwag makipagtransaksyon sa mga kahina-hinalang indibidwal at agad humingi ng tulong sa barangay o pulisya kung kinakailangan.
Binigyang-diin din ng DTI na bumili lamang ng LPG at mga kaugnay na accessories mula sa awtorisado at mapagkakatiwalaang dealers.
Mahalagang tiyakin na ang regulator ay may PS Mark o ICC Sticker bilang patunay na ito ay pumasa sa mga pamantayan ng kaligtasan at kalidad.








