DTI PANGASINAN, NAGBABALA LABAN SA PAGGAMIT NG MGA HINDI SERTIPIKADONG FIRE EXTINGUISHER

Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) Pangasinan laban sa paggamit at pagbili ng mga hindi sertipikadong fire extinguisher, kasunod ng ulat na may mga produktong ibinebenta sa merkado na maaaring hindi gumana sa oras ng sunog.

Ayon sa ahensya, mahalagang maging mapanuri ang mga mamimili dahil may mga pekeng fire extinguisher na hindi nakatutugon sa itinakdang pamantayan ng kaligtasan, na maaaring magdulot ng panganib sa buhay at ari-arian.

Pinayuhan ng DTI Pangasinan ang publiko na tiyaking may Product Certification Mark ang bibilhing produkto, tulad ng PS mark na may kaukulang license number o ICC mark bilang patunay ng pagsunod sa safety standards.

Dapat ding suriin kung may malinaw na pangalan at address ng manufacturer o refiller, rehistradong trademark, at kumpletong impormasyon hinggil sa uri ng extinguishing agent gaya ng dry chemical.

Binigyang-diin ng ahensya na hindi dapat magpadala sa murang presyo ang mga konsyumer at sa halip ay unahin ang kalidad at sertipikasyon upang matiyak ang kaligtasan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments