DTI, patuloy ang pagbibigay tulong aa mga negosyanteng naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro

Patuloy ang pagpapaabot ng tulong ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga Micro Small and Medium Enterprise (MSME) sa Pola, Oriental Mindoro na apektado ng oil spill.

Batay sa inilabas na abiso ng DTI, mamamahagi sila ng cash cards mula sa Land Bank of the Philippines, na naglalaman ng P8,000 hanggang P10,000 bilang tulong sa mga maliliit na negosyo na makabangon muli mula sa epektong dulot ng oil spill.

Magugunitang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kamakailan, na kailangang matutukan ang mga apektado ng oil spill lalo na ang maliliit na negosyo dahil sa pagkawala ng kagyat na hanapbuhay tulad ng pangingisda.


Kasunod nito, namahagi rin si Trade Secretary Alfredo Pascual ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa kits sa mga benepisyaryo, upang tulungan silang makabangong muli mula sa epektong dulot ng oil spill sa kabuhayan.

Sa kasalukuyan, nasa 239 mula sa kabuuang 966 na MSMEs sa Pola, Naujan at Pinamalayan ang nabigyan na ng tulong ng DTI at tuloy-tuloy din ang kanilang ginagawang profiling para sa iba pang nais mag-avail ng nasabing tulong.

Facebook Comments