DTI, pinagsabihan ang mga online sellers na ipakita ang presyo ng mga ibebenta nilang produkto

Nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga online sellers na ipakita ang presyo ng kanilang mga ibinebentang produkto.

Ito ay sa gitna ng tumataas na pagtangkilik ng publiko sa online buying at selling bunsod ng ipinapatupad na lockdown para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, nakasaad sa Republic Act. no. 7581 o Price Act na ang mga produktong ibinebenta na walang price tag ay maaaring ituring na profiteering.


Bukod dito, batay naman sa Republic Act no. 7394 o Consumer Act na paglabag sa batas ang pag-aalok o pagbebenta ng produkto sa publiko na walang kaukulang price tag o label.

Hindi dapat aniya inililihim ang presyo ng produkto.

Para naman kay DTI Secretary Ramon Lopez, obligado ang mga seller na ipakita ang aktwal na presyo.

Hindi maaaring isagot ng online seller na “PM Sent” sa buyer kapag nagtanong ito kung ano ang presyo ng ibinebenta nilang produkto.

Hindi rin pwedeng ilagay ang “P12345” o Piso ang isang produkto.

Pero nilinaw ni Lopez na sakop lamang nito ang mga basic necessity at prime commodities na nasa ilalim ng Suggested Retail Price (SRP) ng DTI.

Gayumpaman, maaaring magsumbong ang mga consumer sa pamamagitan ng hotline ng DTI na 1384.

Pinapayuhan din ang mga consumer na maging maingat at mapanuri sa mga presyo ng mga produktong ibinebenta online.

Facebook Comments