Pinakikilos ng Senado ang Department of Trade and Industry (DTI) kaugnay sa mga produktong hindi ligtas para sa kalusugan ng mga consumers.
Kaugnay ito sa pagtatanong ni Senator Raffy Tulfo sa ahensya sa gitna ng budget hearing kung ano ang ginagawa ng DTI sa napakataas na sodium content o asin tulad sa mga instant o cup noodles at sardinas na malimit kinukunsumo ng mga mahihirap dahil mura.
Sinita ni Tulfo ang napakataas na sodium content ng mga cup noodles na nasa 1,600 hanggang 1,900 mg habang sa sardinas naman ay 260 hanggang 610 mg ang sodium.
Agad namang nilinaw ni Tulfo na hindi niya ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga nabanggit na produkto pero nais lamang niyang may gawing aksyon dito ang DTI.
Nagkaroon naman ng sagutan sa pagitan ni Tulfo at Trade Secretary Alfredo Pascual nang sagutin ng kalihim ang senador na walang hurisdiksyon dito ang DTI at ang food items ay saklaw ng Food and Drug Administration (FDA).
Hindi naman agad tinanggap ni Tulfo ang tugon ni Pascual at ibinalik sa secretary kung bakit ito nagtuturo at dapat magkusa ang ahensya na tawagin ang pansin ng ibang departamento kung may mapansing mali at batid na ang mga produkto ay makakasama sa publiko.
Humupa naman ang tensyon sa pagdinig ng pumagitna na si Senator Mark Villar at hiniling sa DTI na i-refer sa FDA ang nasabing usapin.