Pinakikilos ni Senator Raffy Tulfo ang Department of Trade and Industry (DTI) na paigtingin pa ang kampanya laban sa mga hindi lehitimong Multi-level Marketing (MLM) companies.
Sa organizational meeting ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, ay binusisi ni Tulfo ang DTI sa mga hakbang nito para ma-regulate ang mga hindi lehitimong networking companies na patuloy ang panloloko at pangre-recruit sa mga tao kapalit ng pangakong malaking kita o komisyon kapag sumali rito.
Tinukoy pa ng senador na kahit sa online ay talamak na rin ang mga nabibiktima ng scam ng mga hindi otorisadong MLM companies.
Sinabi naman ni DTI-Consumer Protection Group Usec. Ruth Castelo na patuloy na tinutugis ng ahensya ang mga MLM companies na hindi lehitimo sa pakikipagtulungan sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Bukod dito ay mayroon din aniyang nilagdaan na memorandum order sa nakaraang administrasyon na nag-re-regulate sa practices ng MLM companies at iba pang pamamaraan para masawata ang mga iligal na kumpanya na bahagi ng aktibidad ng Fair Trade and Enforcement Bureau.
Iginiit naman ni Tulfo sa DTI na panahon na para makipagtulungan ang ahensya sa mga law enforcement agencies tulad ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) upang matugis at matigil na ang pang-i-scam ng mga MLM companies.