Pinayagan na ng Department of Trade and Industry (DTI) na muling magbukas ang mga massage parlor sa mga lugar na nasa General Community Quarantine (GCQ).
Sa inilabas na bagong memorandum circular no. 20-57 ng DTI, epektibo ngayong buwan ay maaari nang mag-operate ang mga massage parlor sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ.
Pero hindi dapat lumagpas ng hanggang 30% na kapasidad ng establisyimento ang magiging bilang ng kanilang customer.
Bukod dito, kailangan masunod ang minimum health standards tulad ng pagsusuot ng face mask, regular na disinfection kung saan dapat na labhan ang mga tuwalya matapos na gamitin o kaya ay itapon na ang ilang mga bagay na hindi na maaaring gamitin pa.
Samantala, pinalawig naman sa maximum 50% ang pwedeng magpa-massage sa mga establisyimento sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified GCQ.