Pinayuhan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na maagang mamili ng pang-noche buena para maiwasan ang Christmas rush sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, kung kaya ay unti-untiin na ang pamimili habang kaunti pa lamang ang tao sa mga supermarket.
Nagbabala rin siya sa mga trader na sumunod sa price freeze na ipinatutupad ngayon sa buong Luzon kasunod ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Sinumang lalabag ay pagmumultahin ng isang milyong piso at makukulong.
Payo naman ni Health Secretary Francisco Duque III, limitahan lamang ang noche buena sa pamilya at huwag nang mang-imbita.
Makabubuti rin aniya kung mamimili na lamang online.
Hinikayat din ng kalihim ang publiko na manuod na lamang ng online mass para sa simbang gabi para malimitahan ang galaw ng mga tao sa labas.