DTI Region 2, Namigay ng Milking Machine sa mga Dairy Farmers ng Cagayan at Isabela!

Cauayan City, Isabela- Namigay ng Charge Service Facility o milking machine ang DTI Region 2 para sa mga Dairy farmers dito sa lalawigan ng Isabela at Cagayan.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Ms. Mary Ann Dy, ang Chief ng Industry Development Division ng Department of Trade and Industry Region 2, namahagi sila ng milking machine upang mas mabilis at mas maganda ang maging kalidad ng produksyon ng gatas ng mga kalabaw at baka.

Bukod pa sa kanilang pamimigay ng milking machine ay tinuturuan din nila ang mga Dairy farmers sa food safety at hygiene upang mapanatili ang kalinisan sa paggagatas at paggawa ng mga produkto mula sa gatas ng mga Dairy Animals.


Ayon pa kay Ms. Dy, kabilang umano ang lalawigan ng Isabela at Cagayan at masasabi umanong Dairy zone area ang isang lugar kung mayroon itong isangdaang Dairy farmers at nasa tatlong daang ginagatas na baka at kalabaw at mayroon din dapat itong milk collection system, processing facility at marketing facility.

Ang lugar ay dapat malapit sa Urban center na may kakayahang makapagbigay ng nasa tatlong daang litro hanggang limang daang litro ng gatas kada araw.

Dagdag pa ni Ms. Dy, bagama’t patuloy ang pag-unlad ng industriya ng paggagatas dito sa rehiyon ay mas lalo pa umano nilang sinusuportahan ang mga Dairy farmers upang mas mapataas ang produksyon ng gatas dito sa rehiyon dos.

Facebook Comments