DTI Sec. Lopez, pabor na isailalim ang Metro Manila at iba pang lugar na nasa ilalim ng GCQ sa MGCQ simula sa susunod na buwan

Kung si Trade Secretary Ramon Lopez ang tatanungin, pabor siyang maisailalim na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Metro Manila at iba pang lugar sa bansa na sa kasalukuyan ay nasa General Community Quarantine (GCQ) status.

Sa Laging Handa public briefing, naniniwala si Lopez na alam na ng mga Pilipino kung paano mabuhay habang nandiyan ang banta ng COVID-19.

Ayon pa sa kalihim, maaari nating isulong ang mas magaan na community quarantine pero ang mahalaga aniya ay may self-discipline at self-regulation ang buong bayan upang bumaba pa ang transmission ng COVID-19.


Paliwanag ni Lopez ,sa ganitong paraan ay mabubuksan ang iba pang sektor o negosyo na makakatulong upang makabangong muli ang ating ekonomiya.

Kasunod nito, masusi aniyang pag-aaralan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang mga datos kung maaari nang maisailalim sa MGCQ ang Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.

Facebook Comments