Umapela ang Board of Investments (BOI) sa mga kongresista na bigyan ng dagdag na insentibo ang mga local manufacturers ng Personal Protective Equipment (PPEs).
Sa pagdinig ng House Committee on Trade and Industry, naitanong nila ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro at Nueva Ecija Rep. Rosanna Vergara kung may mga insentibo bang naibibigay ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga small and medium enterprises na nag-repurpose ng mga negosyo para sa paggawa ng mga medical supplies.
Dito ay hiniling ni BOI Manufacturing Industries Service (MIS) Director Eries Cagatan sa Kamara na taasan ang 15% domestic preference sa mga locally manufactured na PPEs upang magawang makapagsabayan sa mga imported PPEs na ibinebenta sa mas mababang halaga.
Nanawagan din si Cagatan sa mga kongresista na magsulong ng panukala na gawing mandatory sa mga ahensya ng gobyerno ang pagbili ng mga locally-made na PPEs.
Samantala, sinabi naman ng Director na may mga naibibigay na rin ang ahensya na tulong sa mga negosyong nag-repurpose sa mga medical supplies tulad ng pag-link sa mga ito sa mga suppliers.
Sa kasalukuyan sa ilalim ng EO 226 ay binibigyan ng income tax holiday at duty free importation para sa capital equipment ang mga local PPE manufacturers.
Duty free at tax free naman ang ibinibigay sa importation ng raw materials sa paggawa ng PPE sa ilalim ng Bayanihan 1 and 2.