Hinikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Senado na ratipikahan ang malaking ‘free trade agreement’ na Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Sa ginanap na organizational meeting ng Committee on Trade, Commerce and Industry na pinamumunuan ni Senator Mark Villar, sinabi ni DTI Secretary Alfredo Pascual na palagi siyang tinatanong na ng mga prospective investors at foreign chambers kung kailan raratipikahan ng Pilipinas ang RCEP bago nila ikunsidera ang pamumuhunan sa bansa.
Ang RCEP ay hinihintay na aniya ng mga investors mula sa ibang bansa kung saan ito ay isang kasunduang pangkalakalan sa pagitan ng 10 mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at mga bansang China, India, Japan, South Korea, Australia at New Zealand.
Ang kasunduan ay agad na pinagtibay at niratipikahan ng Malakanyang noong Setyembre ng nakaraang tao at agad ding isinumite sa Senado para sa ratipikasyon pero hindi na ito naaksyunan at inabutan na ng pagsasara ng 18th Congress.
Batay sa Konstitusyon, ang lahat ng tratado na niratipikahan ng pangulo ay kailangang dumaan at sang -ayunan ng Senado.