DTI, walang inaasahan na taas presyo sa basic necessities at prime commodities sa susunod na dalawang buwan

Walang inaasahang pagtaas ng presyo sa mga basic necessities at prime commodities sa hinaharap ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Nakadepende naman sa magiging sitwasyon kung mag-iisyu ng bagong suggested retail price (SRP) bulletin ang ahensiya bago ang buwan ng Agosto.

Ayon kay DTI Consumer Protection Group Undersecretary Ruth Castelo, unti-unting tinataasan ang mga presyo dahil sa nangyayari sa bansa at kailangan na maibsan ang pasanin ng mga consumers upang sila ay makahinga mula sa mga gastusin.


Bagama’t walang inaasahang pagtaas ng presyo ng basic necessities at prime commodities, kinumpirma naman ng DTI official na mayroong mga ilang nakabinbing request mula sa manufacturers para sa price increase partikular na sa mga produkto gaya ng de latang sardinas, gatas at asin.

Ilan sa mga dahilan ng hirit na umento sa presyo ng mga manufacturer ay dahil sa mataas na packaging costs, foreign exchange rates at logistic costs.

Ang epektibong SRP bulletin ng DTI para sa basic necessities at prime commodities ay inilabas noong Pebrero ng kasalukuyang taon.

Facebook Comments