Pormal nang nanumpa bilang kinatawan ng kontroberyal na Duterte Youth party-list ng Kamara si Ducielle Cardema.
Mismong si House Speaker Lord Allan Velasco ang nanguna ng oath taking ni Ducielle, kasama ang kaniyang asawa na si dating National Youth Commission Chairperson Ronald Cardema.
Si Ducielle ay kasama sa roll call ng mga miyembro ng Kamara sa sesyon kahapon.
Bago ang kanyang panunumpa, kinumpirma ni Commission on Elections (COMELEC) Spokesperson James Jimenez na may inisyung certificate of proclamation para sa Duterte Youth party-list.
Nabatid dumaan matinding legal battle ang party-list bago kinilala bilang mga nominado nito.
Si Ronald, ang orihinal na nominado para sa party-list, ay idiniskwalipika ng COMELEC First Division dahil sa lagpas na ang kanyang edad bilang kinatawan ng isang isang youth party-list organization na nasa 25 hanggang 30 years old lamang.
Si Cardema ay 34 years old na.
Inaprubahan naman ng Poll Body ang substitute nominees ng Duterte Youth party-list na sina Ducielle, Guillermo Villareal Jr., Krizza Reyes at Robert Garcia.
Nitong September 24, sinabi ni COMELEC Chairperson Sheriff Abas na nilagdaan ng apat na commissioner ang certificate of proclamation ng Duterte Youth.
Maliban kay Ducielle, si Rodolfo Ordanes ay nanumpa rin bilang kinatawan naman ng Senior Citizens party-list.