Manila, Philippines – Pinapakansela ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate sa Department of Foreign Affairs ang pagpayag nito sa pag-aaral ng China sa Philippine Rise.
Duda si Zarate na “beneficial” para sa bansa ang pag-aaral na gagawin ng China sa Philippine Rise.
Hindi na aniya dapat maulit ang nangyari noong Arroyo administration kung saan sa Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) ay mas nagbenepisyo pa dito ang China.
Dahil sa mas may sapat na kagamitan ang China, nadiskubre ng mga ito ang mayamang marine resources ng Pilipinas sa West Philippine Sea at wala man lang napakinabangan dito ang bansa.
Sa katunayan pa aniya ay napilitan noon si dating Pangulong Gloria Arroyo na huwag nang i-renew ang kasunduan noong 2008 sa kabila ng mga claims na beneficial daw ito sa bansa.
Doble ang trahedya aniya kung mauulit muli sa kasalukuyang administrasyon ang pagtataksil sa bayan at soberenya ng bansa kung patuloy na papayagan ang marine research sa Philippine Rise.