Manila, Philippines – Planong iakyat ng ilang kongresista ang usapin sa Bangsamoro Basic Law (BBL) sa oras na aprubahan ito ng Kamara nang walang amyenda.
Giit ni Zamboanga City Representative Celso Lobregat, maraming constitutional issues ang BBL kaya dapat lamang na amyendahan ito.
Aniya pa, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabi na dapat ay amiyendahan muna ang BBL bago aprubahan.
Tiwala pa naman si Lobregat na pakikinggan sila ng liderato ng Kamara at payagan na makapagsingit ng amiyenda sa BBL proposal.
Ngayong umaga ay nagsagawa ulit ng pagpupulong ang Bangsamoro Transition Commission at ang house leadership para ayusin ang mga probisyon at isapinal ang BBL na ipapasa sa Mababang Kapulungan.
Matatandaang humiling na rin ang Kamara na i-certify as urgent ang BBL para maipasa ito agad hanggang sa ikatlo at huling pagbasa.