Mananatili pa rin na walang takip ang dulo ng mga baril ng mga pulis ngayong pagsalubong ng Bagong Taon.
Ito ay kahit may isang pulis sa CARAGA ang naaresto dahil sa iligal na pagpapaputok ng baril o illegal discharge of firearms.
Non-commissioned officer ang pulis na ito na ngayon ay iniimbestigahan na dahil sa kanyang paglabag.
Sa kabila nito tiwala pa rin si PNP Officer in Charge Lt Gen Archie Francisco Gamboa na hindi na gagamitin ng mga pulis ang kanilang mga baril nang walang kinalaman sa kanilang trabaho o itong illegal discharge of firearms.
Matatandaang unang inihinto sa panahon ni dating PNP Chief at ngayor Senator Ronald Bato Dela Rosa ang paglalagay ng tape sa dulo ng mga baril ng mga pulis tuwing sasalubong ng Bagong Taon.
Napapahiya raw kasi ang mga pulis sa ganitong paraan, dahil tila walang tiwala sa kanila ang kanilang pamunuan.
Samantala, batay sa huling ulat ng PNP 18 na ang naaresto ngayong holiday season dahil sa iligal na pagpapaputok ng baril, dalawa rito ay sundalo at isa ay pulis.