
Pinapa-imbestigahan ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio sa Kamara ang dulot ng matinding pagbaha ng mga reclamation project sa Metro Manila at iba pang kalapit na mga probinsya.
Ayon kay Tinio, ang mga proyektong reklamasyon ay hindi lamang sumisira sa kalikasan, kundi direkta ring nagbabantang magpalala ng pagbaha kung saan labis na tinatamaan ang mga maralita, mga guro, at mga estudyante na araw-araw ang sakripisyo para makapasok sa eskwela at trabaho.
Giit ni Tinio, dapat may managot dito at hindi rin pwedeng hayaang magpatuloy ang ganitong kalakaran na ang kita ng iilan ay inuuna kaysa kaligtasan at kabuhayan ng nakararami.
Tinukoy din ni Tinio ang pahayag ng AGHAM o Advocates of Science and Technology for the People na ang reclamation ay may masamang epekto sa natural ecosystems na syang nagsisilbing balakid sa pagbaha sa loob ng mahabang panahon.
Diin ni Tinio, hindi makatwiran na hayaang masira ang ating mga baybayin at ang kabuhayan ng mga mangingisda at mahihirap na kababayan para bigyang-daan ang pagtatayo ng mas maraming casino, mall, at mga condo.









