Hiniling ni Deputy Majority Leader at Iloilo City Representative Julienne Jam Baronda kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pakilusin ang National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI) para imbestigahan ang pagdami ng Chinese nationals sa kanilang lungsod.
Nakasaad sa liham ni Baronda kay Remulla na tila pinamumugaran ng mga Chinese national ang mga upscale subdivision sa Iloilo City tulad ng Puerto Real de Iloilo at Ledesco Subdivision sa Lapaz at Monterosa Subdivision sa Mandurriao.
Binanggit ni Baronda sa liham na wala namang gulong ginagawa ang mga Chinese national sa Iloilo City pero mukhang nagmula sila sa Mainland China dahil hindi sila marunong magsalita ng english.
Dagdag pa ni Baronda, pumukaw din sa intres ng mga taga-iloilo ang kakayahan ng nabanggit na mga chinese nationals na bumili ng halagang 30-million hangang 50-million pesos na bahay at mga mamahaling sasakyan.
Ayon kay Baronda, hindi maiwasan ang hinala na baka sangkot ang nabanggit na mga chinese nationals sa ilegal na gawain o kung sila ba ay “sleeper agents.”
Inihalimbawa ni Baronda na noong Nobyembre 2023 ay 17 Chinese nationals ang nahuli sa Jaro, Iloilo City na pawang sangkot sa cybersex at human trafficking.